Malaki ang hinala ng awtoridad na onsehan sa partihan ang naging dahilan sa pagkakapaslang sa isang sinasabing notoryus na holdaper na binaril ng malapitan sa ulo ng dalawang armadong kalalakihan, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Ang biktimang si Glen Labadan 30, ng 2 Conchita St., M. dela Cruz St. ay patay na nang idating sa Pasay City General Hospital bunga ng isang tama ng bala sa ulo.
Batay sa imbestigasyon, pasado alas-2 ng hapon nang mangyari ang nasabing krimen habang ang biktima ay naglalakad sa M. dela Cruz St. Ayon sa mga saksi, dalawang lalaki na pawang nakasakay sa isang kulay pulang XR Enduro motorcycle na walang plaka ang lumapit at bumati sa naglalakad na biktima.
Habang nakatapat sa biktima, isa sa dalawang suspect ang bumunot ng baril at pinaputukan nang malapitan ang biktima sa noo na naging dahilan ng kamatayan nito.
Napag-alaman naman sa imbestigasyon na ang biktima ay may mga kasong iligal possession of deadly weapons noong December 9, 1999. Nasangkot din ang biktima sa kasong frustrated homicide, theft, robbery at trespass to dwelling na nakasampa sa iba’t ibang kaso. (Rose Tamayo-Tesoro)