Naging madugo at kagimbal-gimbal ang isinagawang birthday party ng isang misis makaraang magpatiwakal sa pamamagitan ng pagbabaril sa sentido ang kanyang mister sa harapan mismo ng nasabing celebrant kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Namatay kahapon ng umaga sa intensive care unit (ICU) ng Perpertual Help Medical Center sanhi ng tama ng bala sa sentido ang biktimang si Andres Concepcion, 31, security guard at residente ng Block 29, Lot 28, Peralta St., Maligaya Park Quezon City.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Ariel Gupana, ng Criminal Investigation Division (CID) Las Pinas City police, dakong alas-11:30 ng gabi nang mangyari ang nasabing insidente sa Francisco Motors Corporation (FMC) Compound, Talon 3, Las Piñas City.
Sa pahayag ng saksi na si Sabrina Santia, 22, caretaker ng naturang compound, unang inimbitahan siya ng grupo ng biktima sa isang inuman kung saan kaarawan ng kanyang misis na si Armida.
Ayon pa kay Santia, sa umpisa ng naturang inuman ay naging masaya pa ang selebrasyon, subalit nang nasa kalagitnaan na ay bigla na lamang nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng kanyang misis na si Armida hanggang sa lumayo ang dalawa.
Dala marahil ng impluwensiya ng alak na nainom ng biktima ay bigla na lamang binunot ni Concepcion ang kanyang service firearm saka nilapitan ang kanyang misis kung saan bago pa nagbaril ito sa ulo ay nagbitiw pa ito ng pagbabanta.
Nagsisigaw na lamang ang ginang nang makitang duguang bumagsak sa lupa ang kanyang mister na agad namang isinugod sa nasabing pagamutan kung saan dakong alas-6:45 ng umaga kahapon ng ideklarang patay ang biktima ni Dr. Paulo Luna.
Batay naman sa pahayag ng malalapit na kaibigan ng biktima, bago ang insidente, nakakitaan na nila ng pagiging malungkutin at pagkabalisa ang biktima noong nakalipas na mga araw at nasasabi na rin nito ang personal na problema sa kanyang pamilya.