Malaki ang paniniwala ni Atty. Ric dela Cruz, Chief City Legal ng Maynila na hindi magtatagumpay ang kasong graft at grave coercion na isinampa laban kay Manila Mayor Alfredo Lim at iba pang opisyal matapos ang ginawang take-over ng city government sa Vitas Slaughterhouse na pinangangasiwaan ng Dealco Farms.
Ayon kay dela Cruz, handang-handa silang sagutin ang kaso ng isasampa sa kanila dahil bago pa man umano nila isagawa ang take over ay pinag-aralan muna nilang mabuti ang sitwasyon at kahihinatnan nito.
Kamakalawa ay nagsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman ang Dealco Farms, Inc., kay Lim at sa may 20 city officials kabilang na ang mga pulis bunsod ng umano’y marahas na take-over ng slaughterhouse noong Hulyo 11.
Sinabi ni dela Cruz na una na silang nagsampa ng kasong paglabag sa ethical Standards sa Ombudsman laban kay Councilor Dennis Alcoreza dahil na rin sa pagiging stockholder nito ng Dealco Farms, samantalang kasalukuyan itong konsehal ng Maynila.
Napag-alaman pa kay Dela Cruz, na noong isang taon pa inabisuhan at pinaalalahan ng city government ang Dealco Farms na posibleng bawiin ang operasyon ng slaughter house kung patuloy na lalabag sa agreement at mabibigong magbayad ng kanilang upa at share. Ngunit sa patuloy na pagbabalewala ng Dealco, napilitan nang magpalabas ng sunud-sunod na executive orders ang city government kabilang na sa kabiguan ng kompanya na ipaayos ang slaughterhouse.
Muli ring iginiit ni Dela Cruz na hindi naman maaaring i-nullify ng city council ang takeover dahil legal ang naging order ng alkalde. (Doris Franche)