Sinampahan ng kasong katiwalian sa tanggapan ng Ombudsman si Manila Mayor Alfredo Lim at ang lima pang empleyado ng Manila City Hall, gayundin ang 16 na pulis kaugnay ng umano’y paglabag sa anti-graft and corrupt practices act, usurpation of judicial functions at grave coercions.
Si Lim at iba pang opisyal nito ay kinasuhan ni Dealco Farms, Inc. (DFI) Executive Vice-President Jocelyn Alcoreza dahil sa marahas umanong pag-take-over ng city government sa Vitas Slaughterhouse na nauna nilang nakontrata para sa “Long Term Lease, Rehabilitation, Modernization and Operation” base na rin sa City Council Resolution no. 87 noong panahon ni dating Mayor Lito Atienza.
Sinabi ni Alcoreza, puwersahan silang pinaalis at ang kanyang mga tauhan sa nasabing slaughterhouse noong Hulyo 11, 2008 kasama ng kanyang kapatid at incumbent Councilor na si Dennis Alcoreza ng mga armadong empleyado at pulis ng Maynila.
Bukod kay Lim kasama sa kinasuhan sina city government officials Ricardo de Guzman, Jesus Mari Marzan, Renato dela Cruz, Francisco Co at Carlos Baltazar.
Tinukoy din ni Alcoreza ang mga kasamang pulis na sina S/Supt Alejandro Gutierrez, Senior Inspector Magno Magno, Senior Inspector Olivia Sagaysay, Senior Inspector Marcelino Reyes, Senior Inspector Fajardo, SPO4 Araneta, PO3 Dagang, PO2 Guina, PO2 Juan, Supt. Rolando Miranda, PO2 Navoua, PO1 Menpin, PO1 Arroyo Jr., PO1 Balagtas, PO1 Francisco at PO3 Sunga at iba pang John at Jane Does.
Ang usapin ay nag-ugat nang pinaratangan ng Manila City Hall ang DFI na hindi nagbabayad ng kanilang lease terms at ipina-sublease pa sa Meatworld International, Inc. ang operasyon sa nasabing slaughterhouse kung kaya’t ginawa ang puwersahang take-over.
Depensa ni Alcoreza na hindi dapat ginawa ng City government ang marahas na take-over bagkus kung may paglabag man ang kanilang tanggapan dapat sana ay sa tamang korte ito unang idinulog at hindi nilabag ang kanilang karapatang pantao.