22 dayuhan idineport ng BI

Pinatalsik na palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang may 22 dayuhan na ginagawang “boarding house” ang mga kulungan sa Pilipinas.

Sinabi ni BI Commissioner Mar­celino LIbanan, hindi na maaring pag­bigyan pa ang kahilingan ng mga dayuhan partikular na dito si Lucas Saeran, isang Belgian national na limang taon nang nakapiit sa BI detention center sa Bicutan Taguig dahilan sa kasong overstaying at un­documented foreigner.

Kaagad ipinag- utos ni Libanan ang deportation ni Saeran at 21 pang dayu­han na may ilang taon  nang nakapiit at ginagawa nang boarding house ang mga kulungan sa Pilipinas.

Lumalabas sa rekord ng BI na mula sa 160 ang mga nakapiit na dayuhan sa bansa simula noong manungkulan si Libanan noong nakaraang taon ay umabot na lamang ito sa 70.

Kakaiba umano ang  kaso  ni Saeran at mga kasama nito dahil sa mas nina­nais pa nitong manatili sa piitan dito sa bansa at makapiling ang kanilang mga itinuturing na kapamilya dito sa PIlipinas dahilan sa inaakala umano ng mga ito na wala na silang babalikan pang pamilya sa kanilang bansa.

Samantalang ang iba naman umano ay mayroong nakabinbing kasong kriminal sa kanilang bansa kayat takot na ring umuwi ang mga ito.

Hindi naman pinayagan ni Libanan na manatil pa sa kanilang mga kulungan ang mga dayuhan dahilan sa malaki umano ang halaga ang inilalaan ng BI dito kayat nagkaroon sila ng progra­mang “decongestion”  sa mga kulu­ngan.(Gemma Amargo-Garcia)

Show comments