Patay ang dalawang hinihinalang holdaper ma karaang makipagbarilan sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon ng umaga sa naturang lungsod.
Patuloy pa ring kinikilala ng mga awtoridad ang mga nasawi. Inilarawan ang isa na nakasuot ng puting t-shirt, asul na shorts, at pulang bullcap, habang ang isa naman ay nakasuot ng camouflage na shorts, gray na t-shirt at maigsi ang buhok.
Sugatan naman matapos na madaplisan ng bala ang pulis na si PO2 Amir Abbas, nakatalaga sa QCPD-Station 11 at isang hindi pa nakikilalang barangay tanod.
Sa inisyal na ulat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang insidente dakong alas-8 ng umaga sa kahabaan ng Araneta Avenue malapit sa hangganan ng Sta. Mesa, Maynila.
Ayon sa report, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Station 11 nang parahin ang dalawang motorsiklo sakay ang apat na lalaki.
Sa halip na huminto, pinasibad ng mga suspek ang mga motor na hinabol naman ng Mobile Unit 111. Nabatid na bumaba umano ang dalawa sa mga suspek at pinaputukan ang mga pulis na agad namang gumanti.
Nabatid na hinagisan pa umano ng granada ng mga suspek ang mobile car ng mga pulis kung saan masuwerte na hindi ito sumabog. Narekober ng mga awtoridad ang dalawang kalibre .45 baril na gamit ng mga salarin at ang hindi sumabog na granada. Pinaghahanap naman ngayon ang dalawa pang suspek lulan ng dalawang motorsiklo na tumakas at iniwan ang kanilang dalawang nasawing kasamahan.
Sinabi sa ulat na posible umano na nakatakdang magsagawa ng panghoholdap sa mga depositor ng isang banko sa bisinidad ang mga salarin nang masabat ito ng mga pulis.