8,000 bumbero nanganganib matanggal sa serbisyo

Mahigit  sa 8,000 mga bumbero na hindi pa naka­katapos ng pag-aaral at walang sapat na eligibility  ang nanga­nganib ngayon na ma­tanggal sa Bureau of Fire Protection (BFP) ma­tapos ang limang taong pa­lugit na ibinigay sa kanila ng Civil Service Commis­sion (CSC).

Kinumpirma ni BFP chief, Director Enrique Lin­sangan na nanga­nga­nib na maparalisa ang ka­nilang operasyon pag­sapit ng taong 2009 kung hindi pa rin makakatalima ang mga bumbero sa panga­nga­ilangan ng CSC.

Ipinaliwanag nito na base sa Republic Act 9263, may prohibisyon na bini­big­yan ng limang taon ang isang emple­yado ng gob­yerno na hindi tapos ng pag-aaral para makakuha ng di­ploma upang maging legal ang kanyang pagta­trabaho. Magtatapos na uma­no ang palugit na ito nga­yong 2009 kaya hinihiling nila ngayon sa CSC na magpa­labas pa ng lima pang taon para maka­tupad ang mga bumbero na hindi naga­wang mag-aral sa unang limang taon na palugit na ibinigay.

Ilan umano sa 8 libong mga bumbero ay nakapag-exam na sa National Police Com­mission (Napolcom) kaya hinihiling rin nila na bigyan ng “one time pro­motion”  ang may mga ha­wak ng pagpasa sa ­exam.

Sinabi ni Linsangan na kaya hindi nagawang ma­ka­pag-aral ng mga bum­bero ay dahil sa pagtutok umano sa pag-apula sa mga sunog at pagres­ponde sa mga kalamidad kaya hindi na kaya ng kata­wan at pag-iisip. (Danilo Garcia)

Show comments