Dalawang empleyado ng isang travel agency ang inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang entrapment operation kamakalawa sa Caloocan City.
Kinilala ang mga inaresto na sina Raymundo Miranda, alyas Leo Bendo Murillo at Lina Donato, kapwa empleyado ng Golden Hun Travel Agency na matatagpuan sa Camarin, Caloocan City.
Ang dalawa ay sinampahan ng kasong estafa at paglabag sa Republic Act 8042 o ang Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995 sa Caloocan City Prosecutors Office.
Ayon kay Marianito Panganiban, hepe ng NBI Anti-Organized Crime Division, ang mga suspek ay nagre-recruit patungong Hong Kong bilang mga trabahador sa isang hotel kung saan pinangakuan umano ang mga biktima na may suweldong P25,000 subalit kailangan silang magbayad ng placement fees na P20,000 hanggang P25,000.
Pinangakuan din umano ng mga suspek ang kanilang mga biktima na aalis sa bansa sa loob ng dalawang linggo hanggang isang buwan subalit hindi ito natupad at nabigo rin ang mga ito na maibalik ang pera ng kanilang mga biktima kaya’t napilitan ang mga ito na magreklamo sa NBI.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang panghihingi ng mga suspek ng karagdagang P5,000 sa mga complainants kaya’t nagsagawa na ng entrapment operation ang NBI at naaresto ang mga ito habang nasa aktong inaabot ang marked money mula sa mga biktima. (Gemma Amargo-Garcia)