Pulis sinapak ng MMDA traffic enforcer

Umiinit ngayon ang iringan sa pagitan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Metro­politan Manila Development Authority (MMDA) makara­ang suntukin umano ng isang traffic enforcer ang isang pulis sa isang kaguluhan sa EDSA, Quezon City kahapon.

Dumulog dakong alas-11:30 ng tanghali sa Quezon City Police District-Station 10 ang nasapak na si PO3 Carlos Samoy, nakatalaga sa PNP-Directorate for Intelligence and Investigative Division (DIDM) sa Kampo Crame kung saan inireklamo nito ang isang enforcer na nakilala lamang sa apelyidong  Bolivar.

Sa kanyang salaysay, sinabi ni Samoy na rumesponde umano siya sa isang kaguluhan sa may kanto ng EDSA at Panay Avenue kung saan hina-harass umano ng mga tauhan ng MMDA ang isang miyembro rin ng PNP na hinuli sa paglabag sa batas trapiko. Habang umaawat, dito umano siya sinapak ni Bolivar.  Aarestuhin umano niya ito ngunit gumitna umano ang hindi nakilalang team leader ng MMDA na umarbor sa kanyang kasamahan at sinabing miyembro rin siya ng PNP.

Wala namang nagawa si Samoy kundi mag­reklamo na lamang sa Kamuning police station kasama ang kanyang mga kakilalang pulis buhat sa QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit. Tinungo naman ng grupo ang MMDA station sa ilalim ng Kamuning fly-over ngunit hindi na makita ang hinahanap na si Bolivar maging ang team leader nito na namukhaan lamang ni Samoy. (Danilo Garcia)

Show comments