Hepe ng  RDPSTM ng  Caloocan sinagasaan, patay

Patay ang hepe ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM),  North Extension Office ng Caloocan City hall nang sagasaan ito ng isang van habang nagsa­sa­gawa ng clearing operation laban sa mga kolorum na mga sasakyan kahapon ng umaga sa nabanggit na lungsod.

Patay na nang idating sa  Bernardino Hospital ang biktimang si Dr. Eufemio Reynoso Sr., ret. Army Major,  isa ring dentista, residente ng North Olympus Subd., Caloocan City, nagtamo ito ng grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Pinaghahanap naman ng Caloocan City Police ang suspek na si Eulogio Arellano, dating bodyguard ng isang pulitiko na nani­nirahan sa #203 St. Pauline Subd., Deparo Road, Caloocan City.

Sa paunang impormasyong nakalap mula kay Supt. Jose Ramirez Valencia, hepe ng Station Investigation and Detective Manage­ment Branch (SIDMB) ng Caloocan City Police, dakong alas-9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Deparo Road malapit sa Deparo Church ng nasabing lungsod.

Nabatid, nagsagawa ng clearing operation laban sa mga kolo­rum na sasakyan ang biktima kasama ang ilan nitong mga tauhan sa naturang lugar nang biglang  dumating si Arellano, na minama­neho ang isang asul na Besta Van, na may  plakang WHU-762. Walang sabi-sabing sinagasaan ng suspek ang biktimang si Reynoso, dahilan upang tumilapon ito  ng  ilang metro ang layo. Iniwan ng suspect ang sasakyan at saka mabilis na tumakas.

Mabilis na  isinugod sa   pagamutan ang biktima, ngunit hindi na umabot ng buhay. (Lordeth Bonilla)

Show comments