Raliyista sa SONA hanggang St. Peter Church lamang — NCRPO

Hanggang sa tapat lamang ng St. Peter Parish sa Commonwealth Avenue, Quezon City ang magi­­ging hangganan ng demonstrasyon ng mga mili­tanteng grupo sa araw ng  State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo sa Hulyo 28.

Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Director General Geary Barias na hindi nila hahayaan na makalapit sa Batasan Complex ang mga demonstrador bilang bahagi ng kanilang security preparations sa okasyon.

Inaasahan rin naman ng pulisya na aabot lamang ng mula 5,000-8,000 ang mga militanteng dadagsa sa kilos-protesta habang inaasahan rin na magmamatyag ang mga opisyales ng Com­mission on Human Rights (CHR).

Muli namang iginiit nito ang pagpapatupad ng maximum tolerance ng mga tauhan ng Civil Dis­turbance Management unit.

Nakatakda ring makipagpulong sa opisina ni Mayor Feliciano Belmonte ang mga lider ng mga militante at pulisya upang pag-usapan ang ko­operasyon para sa mapayapang demonstrasyon.

Sumailalim rin naman kahapon sa seminar ng karapatang pantao na isinagawa ng CHR ang mga tauhan ng Quezon City Police District-Civil Disturbance Management Unit sa Camp Karingal. (Danilo Garcia at Angie dela Cruz)

Show comments