Patay agad ang isang 15-anyos na 4th year high school student makaraang tamaan ito ng bala ng pen gun na unang napulot ng kanyang mga classmate at paglaruan ito sa loob ng kanilang klase, kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Namatay sa loob mismo ng kanilang classroom ang biktimang si Julian Laos, residente ng Kalesa sa Amor St., Pasay City at estudyante ng Baclaran Annex National High School ng lungsod makaraang tamaan ito sa tagiliran ng kanyang katawan.
Sa panayam ng PSN kay PO2 Pio Calvo, may hawak ng kaso, pasado alas-6 ng umaga nang mangyari ang nasabing insidente sa loob mismo ng classroom ng biktima sa nabanggit na eskwelahan.
Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya na bago ang insidente ay unang nakapulot umano ng isang pen gun ang isang grupo ng mga classmate ng biktima sa isang kalsada habang ang mga ito ay papunta sa nasabing eskwelahan.
Bunga ng pagiging interesado sa napulot na bagay ay dinala naman ng mga estudyante sa loob ng kanilang classroom ang nasabing pen gun at pinaglaruan umano ito ng classmate ng biktima na si Ryan George Garcia, 15, at tumama ang bala nito kay Laos.
Agad umanong nalagutan ng hininga sa loob mismo ng nasabing classroom ang biktima at hindi na nagawa pa itong maitakbo sa pagamutan bunga ng tinamo nitong tama sa maselang bahagi ng kanyang katawan.
Ayon naman kay PO2 Calvo, kasalukuyan ng nakakulong sa kanilang detention cell ang suspect at nakatakda na nilang i-inquest ito habang isinu sulat ang balitang ito kahapon ng hapon.