Isang 15-anyos na elementary grader pa lamang ang napatay ng isang security guard matapos pagbintangang nagnanakaw ito sa bodegang binabantayan ng huli, sa Tondo Maynila kahapon ng madaling- araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Rodel Garcia, ng 50 Carnation St., Happy Land, Tondo, bunga ng tinamong tama ng bala mula sa shotgun ng suspek na si Joven dela Cruz, Dogwar Security Agency na nakatalaga sa Pioneer Transport Services. Nabatid na mabilis na tumakas ang nasabing sekyu matapos ang pamamaril.
Sa ulat ni Det. Ed Ko ng Homicide Section ng Manila Police District(MPD), dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang barilin umano ng suspek sa loob ng Pioneer Transport Services, na matatagpuan sa Capulong St. at Radial 10, Tondo ang binatilyo.
Sa imbestigasyon, nagro-roving umano ang suspek nang makarinig ng kalabog mula sa bubong na katabi ng isang bodega at dali-daling inalam, kung saan nakita umano ang dalawang lalaki na umano ang isa ay armado pa ng baril.
Nang tangkang babarilin umano ang sekyu ng nasabing lalaki ay inunahan na nito nang pagpapaputok ng shotgun.
Nalaglag sa nakatambak na electrical transformer ang isa, habang mabilis namang tumakas ang kasama nitong armado. Dahil sa insidente, ipinagtapat ng suspek sa kasamahang si Romulo Manaloto, driver/mechanic na nakabaril siya bago tuluyang tumakas.
Isang Rodolfo Garcia na kumilalang anak niya ang napatay, ang nagsabing niyaya ng tatlong barkada ang biktima at hindi niya kakilala ang mga ito.
Sinabi naman ng isang Bonifacio Odono, barangay tanod sa lugar, na nakita niya ang biktima at tatlo pang kasamahan nito na pabalik-balik sa lugar na binabantayan ng suspek.