Misis na ’di nagre-reply sa text ni mister, binaril

Ang hindi pagre-reply sa text messages ang idinahilan ng isang 46-anyos na mister kaya nito nagawang barilin ang kan­yang maybahay na masuwerte namang nakaligtas sa tiyak na kapahamakan sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi. 

Idi­nulog ng biktimang si Caro­line Moreno, 43, isang real es­tate agent, ng 3680 Kalinga St., Bacood Sta. Mesa ang gina­wang pamamaril sa kanya ng kanyang mister sa Manila Po­lice District-Station 8.

Nabatid na hindi pa isinusulong ng bik­tima ang reklamong frustrated par­ricide dahil naniniwala ito na pag­mamahal at selos ang nag­tulak sa kanyang mister upang ma­gawa ang pamamaril.

Ga­yun­man, hindi nakaligtas ang sus­pect na si Lovie Mo­reno, 46, ope­rator ng pampasaherong jeep, sa kasong illegal posses­sion na isinampa ng pulisya bu­nga ng narekober na  kalibre 38 baril na ginamit nito.

Sa ulat, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente sa  loob ng bahay ng mag-asawa nang dumating ang lasing na suspect at sinita ang misis sa hindi umano pagsagot sa dami ng kan­­yang ipinadalang text mes­sages.

Dahil sa mainitang pag­tatalo ay pinaputukan umano ng suspect ang misis na kamuntik nang tamaan sa batok. (Ludy Bermudo)

Show comments