Pinapurihan ni Chief Justice Reynato S. Puno si Bureau of Jail Management and Penology chief, Director Rosendo M. Dial dahil sa patuloy na kampanya na mapababa ang bilang ng mga bilanggo sa mga kulungan sa Metro Manila sa pamamagitan ng mobile court rooms o ang “Justice on Wheels” project.
Ayon kay Dial, dahil sa naturang hakbang, bumaba ang bilang ng mga bilanggo sa Metro Manila na mistulang mga sardinas na.
Sa ngayon, ang National Capital Region ang may pinakamataas na bilang ng bilanggo sa buong bansa na umaabot sa 20,892 inmates.
Ang NCR jails ay 259% congested o mas malaki ang bilang mula sa ideal capacity nito na 5,820 inmates sa bawat kulungan depende pa sa laki ng lugar ng kulungan. Ang limang mala-sardinas na kulungan ay ang Caloocan City Jail na may ideal capacity na 136 inmates pero ang bilang ng bilanggo dito ay umaabot sa 1,637.
Sumunod ang Taguig City Jail na may ideal capacity na 59 inmates pero may actual jail population na 704; Quezon City Jail na may 415 ideal jail population pero ito ay may 3,080 inmates; Muntinlupa City Jail na may ideal population na 77 pero may actual population na 553 at Navotas City Jail na may ideal capacity na 63 pero ang actual population ay 452 inmates.
Sa record, may 70% ng kaso sa Metro jails ay pawang non-index crimes o minor offenses. Sa 20,892 NCR jail population, 14,474 inmates ay may kasong minor offenses na patuloy na nasa mga kulungan at naisilbi na ang parusa sa kulungan pero hindi pa agad naproseso ang paglaya.
Bunsod nito, inatasan ni Dial ang lahat ng Regional Directors nationwide na maki pag-ugnayan sa municipal at regional trial courts para sa mabilis na pagdinig sa kanilang kaso at pagpapalaya sa mga bilanggo na may minor offenses. (Angie dela Cruz)