Kapwa hubo’t hubad na nadakip ng mga opisyal ng barangay ang isang lalaki at babae na nagtatalik sa loob ng isang pampasaherong jeep habang pinapanood ng mga bystanders, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Grave scandal ang isinampang kaso ni P03 Reynaldo Aguba ng Criminal Investigation Division (CID) laban sa mga suspect na sina Christopher Plasabas, 29, binata, construction worker ng E. Rodriguez St., Riverside, Malibay, ng nasabing lunsod at Cristina Esteban, 28, residente ng S. de Guzman St., Pasay City.
Ang mga suspect ay nadakip dakong alas-12:20 ng madaling-araw sa loob ng isang pampasaherong jeep na may plakang PYJ-677 na nakaparada sa Tramo St., Pasay.
Ayon sa tanod na si Vicente Ebon, kasalukuyan silang nagpapatrulya nang mapuna ang mga taong nag-uumpukan at nakasilip sa loob ng nakaparadang jeep. Nang lapitan at usisain ang loob ng jeep, nalantad sa paningin ang dalawa na kapwa nakahubo at nagtatalik.
Nang sitahin na ng opisyal ang mga suspect ay nagtakbuhan naman ang mga manonood na ikinaalarma naman ng mga una. Kapwa inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya ang mga suspect kung saan sinampahan na ang mga ito ng nabanggit na kaso. (Rose Tamayo-Tesoro)