Dahil umano sa problemang pinansyal ay winakasan umano ng isang security guard ang kanyang buhay matapos itong magbaril sa kanyang sarili kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.
Ayon sa ulat ng pulisya, mga ilang oras nang patay ang biktima na nakilalang si Edgardo Catursa, nang matagpuan ang bangkay nito dakong alas-6 ng umaga sa opisina ng Bankard na matatagpuan sa ika-30 palapag ng Equitable Tower sa Ortigas, Pasig.
Nabatid sa sekyu na rerelyebo sana sa biktima na papasok siya sa nasabing tanggapan upang humalili sa pagbabantay sa huli nang makitang patay na ang biktima na nakaupo sa isang sofa at naliligo sa sariling dugo. Sa ginawang inisyal na imbestigasyon, lumalabas na nagpakamatay ang biktima sa pamamagitan ng pagbaril nito sa kanyang sentido gamit ang kalibre .38 baril na kanilang gamit sa pagbabantay.
Bukod sa nasabing baril na nakita malapit sa biktima ay isang suicide note din na umano’y ang nakuha sa bulsa ng pantalon nito na nagsasaad ng pamamaalam at paghingi ng tawad sa mga mahal sa buhay dahil sa kanyang ginawa matapos na mamroblema dahil sa dami ng utang. Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya kung may foul play na naganap sa nasbaing insidente.
Samantala, winakasan din ng isang 17-anyos na binatilyo na si Emmanuel Cerezo, estudyante, ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa sa loob ng kanilang banyo matapos makipagkalas ang kanyang kasintahan kamakalawa ng gabi sa Pinagbuhatan, Pasig City.
Dakong alas-7:30 ng gabi nang matagpuan ng kanyang tiyahin ang wala nang buhay na biktima. Isang suicide note rin ang sinasabing iniwan nito. (Edwin Balasa)