Tiniyak ni Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairman Thompson Lantion na maipagkaloob na nila ang P10 hinihinging dagdag pasahe sa kabuuang halaga ng patak ng metro ng taxi.
Sa isang press conference, sinabi ni Lantion na malaki ang tsansang maipatupad ang dagdag na P10 sa kabuuang taxi fare dahil nauunawaan nila ang epektong dulot ng pagtaas ng halaga ng gasolina sa hanay ng transport groups.
“Kumbinsido kami na maibigay ang fare increase sa taxi. 1995 pa sila walang increase tapos at nauunawaan namin ang epekto ng pagtaas ng halaga ng gasolina sa kanila,” pahayag ni Lantion.
Bago ito, sinabi ni Elvira Medina ng National Council for Commuter Protection Inc. sa LTFRB Board meeting na sila ay pumapayag na madagdagan ng P10 ang kabuuang halaga ng pasahe sa taxi huwag lamang tataasan ng mga taxi operators ang kinukuhang boundary sa kanilang mga drivers.
Bunsod nito, tinaya ni Lantion na bago matapos ang buwan ng Hulyo, maipatutupad na ang dagdag P10 bayarin sa taxi.
Nilinaw din ni Lantion na kapag naimplementa ang dagdag P10, hindi na kailangan ang pag- aayos sa metro at fare matrix dahil bibigyan na lamang ng LTFRB ng anunsiyo na ilalagay sa unit na nagsasaad ng dagdag pasahe sa kabuuang pasahe sa taxi.
Kaugnay nito, sinabi din ni Lantion na malaki din ang tsansang aprubahan na nila ang provisional P1.00 fare increase sa unang limang kilometro para sa mga pampasaherong jeep at 25 centavos na dagdag sa suceeding kilometer.
Kaugnay nito, sinabi ni Lantion na patuloy naman nilang pag-aaralan ang posibleng pag apruba ng LTFRB board sa provisional increase na hiling ng mga operator ng bus.
P1.00 sa unang limang kilometro ang provisional increase na hiling ng bus operators sa ordinary bus , 20 percent increase sa aircon bus at dagdag na 25 centavos sa suceeding kilometer. (Angie dela Cruz)