Tumataginting na P1.2 milyon cash ang natangay mula sa isang may-ari ng money changer nang tambangan ng dalawang armadong suspek matapos na mag-withdraw sa Malate, Maynila kahapon. Ang biktimang si Vicky Lopez, may-ari ng Money Square Money Changer sa Makati City at residente ng 3706 Bautista, Palanan, Makati City ay ginagamot ngayon sa Manila Sanitarium Hospital sa Pasay City sanhi ng tama ng bala sa binti. Mabilis namang tumakas ang mga suspect dala ang pera ng biktima.
Batay sa imbestigasyon, dakong ala-1:45 ng hapon ng maganap ang insidente sa kanto ng Leon Guinto at Dagonoy Sts., Malate, Manila. Sakay ang biktima ng isang itim na Honda Civic patungong Makati City matapos na mag-withdraw ng tinatayang P1.2 milyon cash sa Metro Bank, Harrison Plaza branch. Binabagtas nito ang naturang lugar nang umano’y lapitan ng dalawang armadong suspek at pilit na pinapabuksan ang salaming bintana ng kanyang sasakyan.
Nang hindi nagbukas ng bintana ang biktima ay binasag ng mga suspek ang salamin ng sasakyan at binaril umano sa hita ang biktima saka kinuha ang perang winithdraw nito. Matapos ang pamamaril at pagkuha ng pera ay naglakad ang mga suspek patungo sa isang get-away na motorsiklo at nakiangkas ito sa lalaking nag-aabang saka tuluyang tumakas habang ang biktima ay nagmaneho patungo sa ospital.
Ayon sa ulat, tila alam ng mga suspek na galing sa pagwi-withdraw ang biktima dahil tila inaabangan ito. (Grace dela Cruz)