Isang 55 anyos na obrero ang binawian ng buhay matapos makuryente at mahulog mula sa ikatlong palapag ng bahay na kanyang ginagawan ng andamyo bunga ng pagmamadaling makatapos upang mapanood ang laban ni People’s Champ Manny Pacquiao kay Mexican WBC boxing champ David Diaz, kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Tondo General Hospital ang biktimang si Pancho Solano, may asawa, laborer ng Gagalangin, Tondo.
Ayon kay Nardo Baylon, kasamahan ng biktima, habang naglalagay ng andamyo si Solano sa labas ng bahay na pag-aari ng isang Marichu Ombao, ay aksidenteng napadikit ito sa basang plywood na nakakonekta sa isang wire ng koryente. Nang nangisay umano ito ay biglang lumagapak sa ground floor.
“Minamadali nga niyang maglagay ng porma para mapalitadahan na habang hinihintay pa niya ’yung laban ni Pacquiao at Diaz, dahil gusto niya itong panoorin,” ayon kay Baylon. (Ludy Bermudo)