Ipinasara kahapon ng lokal na pamahalaan ng Pasig ang tatlong impounding area ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa nasabing lungsod matapos na mabuko na doon inimbak ang may 48 trak na puno ng basura na galing sa kanilang punong tanggapan sa Makati City.
Ayon kay Raquel Naciongayo, hepe ng Pasig City Environment and Natural Resources Office (CENRO), ang pagpapasara sa tatlong impounding area ng MMDA na matatagpuan sa kahabaan ng Julia Vargas Ave, Brgy. Ugong at Brgy. Sta. Lucia ay dahil na rin sa paglabag sa environment laws base na rin sa utos ni Pasig City Mayor Robert Eusebio.
Nagpalabas na rin si Naciongayo sa mga opisyal ng MMDA ng cease and desist order para sa gagawing operasyon ng lahat ng mga makina at mga dump tracks na naroon sa loob ng compound.
Matatandaang kamakailan ay 48 trak na puno ng basura ang ipinarada sa harapan ng tanggapan ng MMDA sa Makati City sa utos na rin ni Mayor Jejomar Binay bilang protesta sa umanoy walang ginagawang aksyon ng pamunuan ng MMDA para makahanap ng “long term solution” sa lumalalang problema ng basura sa Metro Manila matapos ang pagpapasara ng 19 na ektaryang Rodriguez landfill noong Lunes.
Sa ginawa namang panayam kay Mayor Eusebio, nagdesisyon siyang ipasara ang mga nasabing impounding area ng MMDA dahil sa banta ito sa kalusugan ng mga residente ng Pasig bukod pa dito ay nakakasira ng negosyo dahil ang dalawang impounding area nila (Julia Vargas at Brgy. Ugong) ay kalapit ng mga kilalang subdibisyon ng lungsod at mga kainan. (Edwin Balasa)