Katulong naglason

Matapos ang dalawang araw na pagkakaratay sa paga­mutan, tuluyang nasawi ang isang 29-anyos na katulong dahil sa umano’y pag-inom nito ng lason.

Nasawi dakong alas-3:15 kamakalawa ng hapon sa loob ng East Avenue Medical Center  si Clarissa Bolado, dalaga, tubong Zamboanga City at stay-in sa #50-A Kamias Road, Brgy. West Kamias, Quezon City.

Sa ulat na natanggap lamang kahapon ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nadiskubre ang paglalason ng biktima dakong alas-3 ng hapon nitong Hunyo 24.

Ayon sa mga kasamahan sa bahay ni Bolado na sina Liza Alo, August Bodoso at Aldin Pajo, nakaamoy sila ng masangsang na amoy na nagmumula sa banyo sa likod ng bahay. Nang kanilang puntahan, nadiskub­reng nasa loob pala ng banyo si Bolado. Puwersa­han nilang binuksan ang pinto kung saan tumambad ang naka­­lugmok na katawan ni Bolado na  bumubula pa ang bibig.  Isang bote na naglalaman ng hindi pa mabatid na kemikal ang natagpuan sa tabi nito. Agad na isinugod sa EAMC si Bolado kung saan naratay muna ito ng dala­wang araw bago tuluyang nalagutan ng hini­nga matapos na sunugin ng lason ang mga laman-loob nito. (Danilo Garcia)

Show comments