Hindi lang mga fixers ang makikitang naglipana sa paligid ng Land Transportation Office (LTO) sa may East Avenue sa lungsod ng Quezon. May mga bagong modus operandi rito at ito ay ang rental ng sapatos, medyas at pantalon na nagkakahalaga mula P50 hanggang P150. Dahil sa kautusang ipinatutupad ngayon na bawal pumasok sa compound ng LTO ang mga naka-tsinelas, naka-shorts, nakaisip ng pagkakakitaan ang ilan nating kababayan. Ito nga ay ang magpaarkila ng sapatos na may kasamang medyas at pantalon sa sinumang may transaksyon sa loob ng tanggapan.
Kinakagat naman ito ng ilang motorista na nagpupunta ng LTO main office lalo na nga ang ayaw nang maabalang bumalik pa dahil sa hindi nila alam ang bagong patakaran at sa kagustuhang matapos agad ang kanilang transaksyon napipilitan silang umarkila ng sapatos, medyas o di kaya ay pantalon.
Nakapaloob pa sa nasabing kautusan ng LTO na dapat na maayos ang pananamit ng mga papasok sa LTO compound. (Angie dela Cruz)