4 sa Talayan massacre, timbog

Inihayag ni QC Police Director Mag­tang­gol Gatdula na lutas na ang Talayan robbery/ arson slay matapos maaresto ang apat na suspek nito.

Sa isang press conference,sinabi ni Gatdula na nang magsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng pulisya sa Talayan, isang impormante na hindi pina­nga­lanan  ang nagsabi sa kanila na siya ay hinimok ng mga suspect  na sumama sa kanila pero tinanggihan niya.

Bunsod nito, unang nahuli ang  isa sa mga suspek na si Miguel Estepa, 42. Ma­tapos maaresto si Estepa, inamin at sinabi nito sa mga imbestigador na may kinalaman sa naturang kaso at saka ikinanta ang kan­yang mga kasamahan. Sunod na nilang naaresto ang iba pang suspek na sina Jeoffrey Cerilo, 45; Ramon David, 47, at isang Judy Cajontay, alyas Toto, 33.

Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang Jovan pink musk, Charlie white, 4 piraso ng US coins, 6 piraso ng stain­less bread knife, 3 uri ng packaging tape . Ang packaging tape  ay katulad  na katulad sa  gina­mit sa mga biktima. Tatlo pang mga suspek sa krimen ang patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.  Nakilala lamang sa kanilang alyas na Leo, Lani at Boy Tigas ang mga ito.

Magugunitang naganap ang krimen noong nakalipas na Hunyo 10 sa  #87 Talayan Street Talayan Village, Quezon City kung saan lima ang iniulat na nasawi kabilang ang isang 4-anyos na paslit. Pawang itinaling parang baboy, ang mga biktima na nina­kawan at pagkatapos ay sinunog pa ang bahay. (Angie dela Cruz)

Show comments