Nasawi ang dalawang magkapitbahay nang tinangka nilang iligtas ang isang binatilyong namatay sa pagkakakuryente habang nagnanakaw ng kable kahapon ng madaling-araw sa Muntinlupa City.
Hindi na umabot ng buhay sa Taguig-Pateros Hospital ang mga biktimang sina Raymond Sequillas, at Dennis Desembrana, 36, kapwa residente ng Upper Sucat, Apposadas Village sa naturang lungsod matapos matusta ang bahagi ng katawan bunga ng pagpasok ng mataas na boltahe ng kuryente.
Hindi naman nadala sa naturang pagamutan ang hindi pa nakikilalang bangkay ng binatilyo na nasa pagitan ng edad na 15-18, walang damit pang-itaas at nakasuot ng maong na pantalon bunga na rin ng agarang pagkasawi nang sumabit ang katawan sa inakyat na poste.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling-araw, malapit sa tirahan ng dalawang magkapitbahay sa Aposadas Village. Bigla umanong naputol ang supply ng kuryente sa naturang lugar kaya’t lumabas ng bahay ang dalawang biktima kung saan nakita nila ang binatilyo na nakalambitin sa poste na palatandaang nagnanakaw ng kable.
Umuusok umano ang kamay at paa ng binatilyo kaya’t sa hangaring iligtas ang kawatan ng kable, hinawakan ng magkapit-bahay ang nangingisay na katawan nito na naging dahilan upang gumapang din sa kanilang katawan ang mataas na boltahe. (Lordeth Bonilla)