Gagamitan ng kamay na bakal ng Metro Manila Development Authority (MMDA), ang mga pasaway na bus driver kung saan bibitbitin ang mga ito pababa ng sasakyan at ipoposas sa railings at ipaaaresto sa pulisya kung lalabag sa batas trapiko sa kahabaan ng EDSA, Quezon City.
Ito naman ang naging babala ni MMDA Chairman Bayani Fernando laban sa mga tsuper ng bus na patuloy na lumalabag sa traffic laws sa layuning mapaluwag ang daloy ng trapiko sa lugar na nabanggit.
Ayon kay Fernando, sapat na ang information campaign na ginawa ng MMDA para maintindihan ng mga bus driver ang tama at mali kaya’t panahon na para pairalin ito ng ahensiya. Ang hakbang ng MMDA ay bunsod ng reklamong tinatanggap nila mula sa mga motorista na nagbabara na naman ang trapiko sa Cubao, Ayala, Ortigas, Crossing, Kamias dahil nagbababad dito ang mga pasaway na bus drivers para makakuha ng pasahero.
“Kapag hindi sila umabante sa sandaling senyasan sila ng aming traffic enforcers, aakyatin namin sila, hihilahin sa manibela at ibaba ng bus, ipoposas sa railing ng daan at ipaaaresto ko sa pulisya at pagkababa ng mga pasahero ay ipamamaneho ko sa aking tauhan ang bus patungo sa impounding area,”ani Fernando.
Binalaan din ni Fernando ang mga pasaway na tsuper na huwag magtangkang lumaban dahil hindi aniya natatakot ang MMDA sa kanila.
Nauna rito, magugunita na nagbanta noon si Fernando na aarmasan niya ng itak ang mga traffic enforcer ng MMDA para maidepensa ang kanilang sarili sa mga pasaway na driver. (Doris Franche at Rose Tamayo-Tersoro)