Sa kasagsagan ng pagbubukas ng klase ay muli na namang sumalakay ang mga miyembro ng riding-in-tanden gang at tangayin ang mahigit sa P.2 milyon ng isang trader na nakatakda sanang i-deposito ng una sa isang banko, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Dahil sa sobrang takot matapos na tutukan ng baril ay wala umanong nagawa ang negosyanteng si Danilo Manalo, 60, residente ng 34 Honorata St., Pasay City at may-ari ng isang sangay ng 7-11 nang hablutin mula sa kanya ng dalawang suspect na pawang nakasakay sa isang motorsiklo ang kanyang pera.
Ayon sa salaysay ng biktima sa pulisya, dakong alas-9:30 ng umaga nang holdapin siya ng mga suspect at ang P240,000 na kinita sa tatlong araw ng kanyang 7-11 convenient store na nasa kanto ng Libertad F.B. Harrison Sts., Pasay City.
Lulan umano ang biktima sa kanyang motorsiklo na may plakang PI-3433 patungong banko nang harangin ng mga suspect sa kanto ng William at F.B. Harrison Streets.
Ang mga suspect ay magkaangkas umano sa isang motorsiklo na may tatak na “for registration” sa likuran ay mabilis na tumakas matapos ang insidente. (Rose Tamayo-Tesoro)