Nabaliktad na ang pangyayari. Kung dati-dati ay ang lalaki ang laging inirereklamo ng kanilang misis nang pagmamaltrato, ngayon naman isang lasenggang ginang ang dinakip ng pulisya matapos nitong gulpihin ang kanyang mister at tatlong anak kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nakakulong ngayon sa detention cell ng Caloocan City Police ang suspek na si Annaliza Molasco, nakatira sa Big Banana, Santa Quiteria ng nabanggit na lungsod.
Samantala, kinilala naman ang mga biktima, na ang mister nitong si Nicanor Molasco, 42, isang janitor at ang tatlong anak nitong nasa edad na 14, 13, at 4-anyos.
Sa reklamo ni Nicanor sa tanggapan ng Caloocan City Police, hindi na umano nila kayang tiisin ang pananakit sa kanila ng kanyang misis tuwing uuwi itong lasing.
Ang pinakahuli ay kamakalawa dakong alas-10 ng gabi sa loob ng kanilang bahay sa nabanggit na lugar nang umuwing lango sa alak ang kanyang misis at sila ang pinagbuntunan ng galit. Nagwala umano ito at sinimulan siyang gulpihin at maging ang tatlo nilang anak. Madalas aniya itong ginagawa ng ginang sa tuwing nasa impluwensiya ng alak at dahil sa hindi na makayanang kalbaryo ng mister at mga anak, kung kaya’t nagawa na nilang ipakulong ang kanilang sariling ina ng tahanan. (Lordeth Bonilla)