Inireklamo kahapon ng isang janitress ang lalaking kasamahan sa trabaho ng ilang ulit na panggagahasa at pagbabanta sa kanyang buhay na naging dahilan upang mahinto ang una sa kanyang trabaho sa Pasay City.
Ayon sa biktima na itinatago sa pangalang “Marissa”, napilitan siyang tumigil sa kanyang trabaho dahil sa ginawa sa kanya ng suspek na kinilalang si Alexander Reyes, 40, ng 507-B Viscarra St., Malibay, nabanggit na lungsod.
Lumalabas naman sa isinagawang pagsisiyasat ni PO1 Andy Lou Vallo, imbestigador ng Women and Children’s Protection Center na ang biktima ay kabilang sa mga may mababang IQ (intelligence quotient) na bukod sa madaling takutin ay mahina pang umintindi.
Napag-alaman din sa pagsisiyasat ni Vallo na unang dinala sa loob ng Greenview Hotel sa Aurora Blvd., Pasay City ni Reyes ang biktima noong Pebrero 2007 matapos paniwalain na isasama siya, pati na ang ibang kasamahan sa trabaho sa isang kasiyahan. Bagama’t nagawa nang maisama umano sa loob ng naturang hotel, hindi nagtagumpay ang suspek na mailugso ang puri ng dalaga bunga ng panlalaban at pagmamakaawa nito sa huli.
Gayunman, noong May 5 ay muling inabangan umano ng suspek ang biktima sa kanyang pag-uwi sa kanilang tirahan sa Manggahan, Pasig City at dahil umano sa pananakot ay muling naisama nito ang dalaga sa loob ng Greenview Hotel at tuluyang napagsamantalahan.
Naulit pang muli ang pananakot at panghahalay ng suspek sa biktima noong May 23 nang muli siyang abangan at pagbantaan na ipapalo sa kanyang mukha ang dalang paso na iuuwi sana sa kanilang tirahan kapag hindi sumama sa motel.
Sa takot na maulit na muli ang panghahalay, hindi na pumasok sa kanyang trabaho ang biktima hanggang sa usisain na siya kamakalawa ng tiyahin at ipagtapat ang ginagawang pananakot at pang hahalay sa kanya ng suspect.
Ayon naman kay Sr. Insp. Mila Carrasco, hepe ng WCPC, na hihintayin muna nila na magbaba ng warrant of arrest ang korte bago nila arestuhin si Reyes. (Rose Tamayo-Tesoro)