Nagbabala kahapon sa publiko ang Manila Police District (MPD) na maging alerto sa mga naglipanang miyembro ng automated teller machine (ATM) gang na gumagala sa Maynila lalo na ngayong nalalapit na pagbubukas ng klase.
Ang babala ay ginawa ng MPD matapos muntikang mabiktima ng gang si P/Supt. Rolando Tumalad, hepe ng MPD Mobile Unit nang mag-withdraw siya ng halagang P10,000 sa BPI United Nation branch na nasa panulukan ng Romualdez St., at UN Avenue, Ermita, Maynila.
Base sa salaysay ni Tumalad, dakong alas- 10:45 ng umaga nang magtungo siya sa nabanggit na bangko upang mag-withdraw ng pera subalit nagtataka umano ito kung bakit umaandar ang machine gayung wala namang lumalabas na pera sa machine.
Dito naalala ni Tumalad ang ilang reklamo na natanggap niya kaugnay sa modus operandi ng ipit gang kaya sinubukan niyang alugin ang machine at hinawakan ang bandang ibaba ng lagayan ng pera.
Dahilan dito kayat nadiskubre ni Tumalad na may nakaipit na aluminum na may grasa at doon nakadikit ang lahat ng perang lumalabas sa ATM machine.
May hinala naman si Tumalad na binaklas ng sindikato ang bandang ibaba ng lagayan ng pera at doon inilgay ang aluminium foil na may grasa kaya kahit na umaandar ang machine ay walang lumalabas na pera.
Sa kabila nito nabawi naman ni Tumalad ang kanyang P10,000 habang punong puno ito ng grasa. (Gemma Amargo-Garcia)