Tinataya ng ilang opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pagbubukas ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa darating na Hulyo kasunod ng major repair sa paliparan at ang isinagawang inspeksyon ng Congressional Committee on Transportation nitong Lunes.
Pinangunahan ni House Committee chairman Rep. Monico Puentevella ng Bacolod City ang isinagawang pagbisita sa ginagawang pagpapaganda at pagkukumpuni ng NAIA Terminal 3.
Malugod namang sinamahan ni MIAA General Manager Alfonso Cusi at ibang MIAA officials ang grupo ni Puentevella at nagkaroon ng kaunting pag-uusap hinggil sa paghahanda sa posibilidad na pagbubukas nito sa lalong madaling panahon.
Kasama sa komite sina Cong. Roque Ablan Jr., 1st District, Ilocos Norte; Cong. Nelson Dayanghirang, 1st District, Davao Oriental at Cong. Eleandro Jesus Madrona, Lone District of Romblon. Tiniyak ni Cusi sa komite na makikipag-ugnayan ang kanyang tanggapan hinggil sa interes ng Kongreso sa mga huling kaganapan hinggil sa isinasagawang major repair sa nasabing sirang mga bahagi ng gusali ng paliparan.
Nagpahayag naman ng suporta ang House Committee on Transportation at sinabing inaprubahan nila ang isang mosyon na nagbibigay suporta sa anumang desisyon na mapapagkasunduan ng MIAA Board of Directors hinggil sa nalalapit na pagbubukas ng NAIA T3. Naniniwala ang komite na napapanahon na para simulan ang operasyon ng naantalang pagbubukas ng NAIA-3 dahil sa sobrang pagsisiksikan na umano ng mga pasahero sa ibang terminal. (Ellen Fernando)