Vendors sa Divisoria winalis

Libu-libong illegal vendors sa  Divisoria area  ang  nagla­hong  parang bula makara­ang ipatupad ng Manila Police District (MPD) ang zero obstruction project  ni Mayor Alfredo S. Lim  sa mga itinak­dang discipline zone ng pulisya sa Kamaynilaan.

Maliban sa ilang illegal vendors na “guerillla style”   ang pagtitinda, malinis na ngayon sa vendors ang  kaha­baan ng Recto Avenue mula sa Tutuban Shopping Center hanggang Asuncion St., Soler, Juan Luna, Ilaya, Carmen Planas, Bilbao at  Asuncion na dating hindi madaanan ng mga sasakyan.

Nagtulung-tulong ang Pre­sinto 2 at Presinto 11 ng MPD, Department of Public Service, Hawkers office, District I Manila City Hall Sattelite Office  at Manila Parking and Traffic Bureau sa pagtataboy sa mga pasaway na vendors na nag­kalat sa kalye at ang natira lamang ay mga vendor  na may hawkers per­mit sa bangketa.

Maging ang kalye Ilaya, Padre Rada, Raxa Matanda, Padre Herrera at Juan Luna sa pusod ng Tondo ay lumu­wag sa trapiko dahil sa traffic re-routing. Magugunita na ka­makailan lamang ay nag-utos ang al­kalde kay MPD Director Ro­berto Rosales na ipatupad ang kanyang zero obstruction policy sa buong lungsod, lalo na sa Divisoria area, sa pama­magitan ng pagtatayo ng discipline zone.

Nagbanta rin ang alkalde na sisibakin niya sa puwesto ang sinumang kumander ng presinto na  mabibigo o su­suway sa kanyang utos. (Doris Franche)

Show comments