Isang helper ang namatay makaraang baunan ito ng patalim sa dibdib ng kanyang kapitbahay na nairita dahil sa sintunadong boses ng una, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Hindi na umabot pa ng buhay sa Valenzuela City General Hospital (VCGH) sanhi ng tinamong saksak sa kaliwang bahagi ng katawan si Junifer Mandado, 21, ng 1498 Sitio Gitna, Kaybiga ng nabanggit na lungsod. Kasalukuyan namang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa suspect na nakilala lamang sa alyas na Onad o Totoy, na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa ulat, dakong alas-11 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa Main Road, Sitio Gitna, Kaybiga, Caloocan City. Sa pahayag ng mga saksi, galing ang biktima at suspect sa isang inuman at magkasabay na umuwi nang maisipan ng biktima na kumanta habang naglalakad.
Dala ng kalasingan ay nairita umano ang suspect sa pangit at sintunadong boses ng biktima dahilan upang magkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa bigla na lamang bunutin ng una ang dala nitong patalim at tarakan sa dibdib ang huli.
Matapos ito, mabilis na tumakas ang suspect sa hindi natukoy na direksiyon, habang ang biktima naman ay isinugod ng ilang residente sa nabanggit na pagamutan ngunit hindi na rin ito umabot pa ng buhay. (Rose Tamayo-Tesoro)