Sinimulan kahapon ng Manila International Airport Authority (MIAA) na ilunsad ang bagong “traffic scheme” na pinamagatang “Kalyeng Maayos Joint Project” sa pakikipagtulungan ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at lokal na pamahalaan ng Pasay City.
Ipinatupad na ang 24-oras na pagbabawal sa mga cargo trucks, pampasaherong bus at tricycles sa Domestic Road at Andrews Avenue patungong Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 at Centennial Terminal 2 na bahagi ng ‘traffic discipline zone’ na naglalayong mapaayos ang daloy ng trapiko patungo at paalis sa nasabing paliparan.
Ayon kay MIAA General Manager Alfonso Cusi, inaasahan na nito na magiging maayos ang daloy ng mga sasakyan sa loob ng airport complex sa pagsisimula ng bagong proyekto.
Nagpasalamat si Cusi sa pakikipagtulungan ng Traffic Management Office, MMDA, mga opisyal ng Brgy. Maricaban at sa tanggapan ni Pasay City Mayor Peewee Trinidad kasunod ng kanilang paglalagda ng isang Executive Order kaugnay sa traffic alleviation scheme.
Pinayuhan naman ni Airport Police Chief Frank Dino ang mga truck drivers na may tanggapan sa Domestic Road at Andrews Avenue na magpakita ng pruweba na deliveries o magkakarga ang mga ito sa mga tanggapan at warehouses sa nasabing lugar upang mabigyang pahintulot ang mga ito na makapasok sa naturang kalye.
Ang mga bus galing EDSA na may terminal sa Tramo Road ay maaaring dumaan sa Tramo Road at gamitin ang u-turn slot na nasa harap ng KIA Motors building. Ang mga tricycle na nagbibiyahe patungo sa rutang Nichols ay kailangan dumaan sa mga loob ng kalye sa Maricaban area.
Mahigpit na ipinatutupad ang “No left turn policy” sa Andrews Avenue para sa tuluy-tuloy na daluy ng trapiko. (Ellen Fernando)