May hawak nang testigo ang Manila Police District (MPD) na positibong kikilala sa mga suspek na nangholdap at pumatay sa abogadong negosyante noong Mayo 13 matapos na mag-withdraw ang una sa Paco, Maynila.
Ayon kay MPD – Homicide Division Chief Dominador Arevalo, mayroon ng testigong hawak ang pulisya na siyang kikilala sa mga suspek na bumaril at pumatay sa biktimang si Atty. Alfredo Dy. Aniya, pinag-aaralan pa ng pulisya ang statement na ibibigay ng nasabing witness bago pa man tuluyang ipalabas sa publiko ang pagkakakilanlan nito.
Sa ngayon aniya ay masusi pa rin na nagsasagawa ng imbestigasyon ang MPD at maingat na nagpapalabas ng anumang impormasyon kaugnay sa progreso ng kaso.
Magugunita na si Dy ay nag-withdraw ng P1-M sa Banco de Oro-Angel Linao st., Paco Branch at ilang metro lamang ang layo mula dito ay pinaikutan na ito ng mga suspek at mabilis na binaril at tinangay ang nasabing halaga.
Bukod kay Dy ay nasawi din ang dalawang pulis-Maynila matapos na rumesponde ang mga ito at makaengkuwentro ang anim na mga suspek. (Grace dela Cruz)