Humantong sa kalaboso ang apat na nursing student kabilang ang dalawang babae matapos na ireklamo ng isang pulis sa kasong pagnanakaw ng kanyang cellphone sa isang disco bar kahapon ng madaling- araw sa Quezon City.
Kinilala ng Quezon City Police District Station-10 ang mga suspek na itinago sa pangalang Annie, 18; Gianna; 21; Betty; 20; at Joel, 20-anyos, pawang nursing student.
Ang nasabing mga estudyante ay ipinagharap ng reklamo ng biktimang si P02 Joseph Medina na nakatalaga sa QCPD Station-10.
Naganap ang insidente dakong alas-4 ng madaling-araw sa Decades Disco Bar sa Brgy. Laging Handa.
Nakatayo ang biktima sa loob ng disco house nang lapitan siya ni Annie na todo-giling na nakipagsayaw sa kanya.
Ilang saglit pa, bigla na lamang nawala ang suspek at natuklasan ng biktima na wala na sa bulsa niya ang kanyang Nokia 3630.
Dali-dali nitong hinabol si Annie habang papatakas kung saan naaresto ito kasama ang tatlong iba pa na pinaghihinalaang nagsabwatan sa pagnanakaw ng kanyang cellphone.
Sa komprontasyon sa presinto, itinanggi naman ng nasabing mga suspek ang paratang ng parak. (Joy Cantos)