Isasailalim sa ‘height ened alert’ ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines-National Capital Region Command para sa ilulunsad na transport strike ng grupong PISTON bukas, Lunes.
Ayon kay AFP- NCRCOM Spokesman Capt. Carlo Ferrer, patuloy nilang imomonitor ang sitwasyon at kung kinakailangang isailalim ang kanilang puwersa sa red alert ay kanila itong gagawin depende sa sitwasyon.
Una nang inihayag ni NCRPO Chief Director Geary Barias na epektibo alas-8 ng gabi ngayong Linggo ay nasa full alert ang kanilang puwersa sa Metro Manila bilang paghahanda sa transport strike.
Kasabay nito, inihayag ni Ferrer na naka-standby na rin sa Camp Aguinaldo ang tropa ng AFP-NCR COM upang umayuda sa pulisya sakaling magkaroon ng kaguluhan sa nasabing pagwewelga ng PISTON.
Sinabi ni Ferrer na nakahanda na rin ang kanilang mga military vehicles kaugnay ng “Oplan Libreng Sakay’ para sa mga mai-stranded na commuters sa mga lugar na apektado ng isasagawang transport strike.
Aniya, handa rin silang i-divert o gamitin muna ang ilang mga trucks na ginagamit sa distribusyon ng NFA rice para magkaloob ng libreng sakay sa mga maapektuhang commuters.