Bukod sa kinakaharap nitong kaso ay bugbog-sarado pa sa taumbayan ang isang 35-anyos na adik matapos na sunugin ang kanyang bahay at nadamay pa ang may labinlimang kabahayan sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Isinampa ang kasong destructive arson sa City Prosecutor’s Office laban sa suspek na si Valmon Timoteo, pedicab driver, ng #842 Fullon St., Dagupan, Tondo.
Sa report ni SFO2 Wilson Tana, Arson Investigator, dakong alas-3:48 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ni Timoteo.
Nauna rito, nakita umano ng ilang residente na pumasok si Timoteo sa kanyang bahay at nagsindi ng kandila hanggang sa iwanan nito. Ilang sandali pa ay napuno ng usok ang kanyang bahay at lumaki ang apoy hanggang sa gumapang sa kalapit na kabahayan.
Tinangka umano ni Timoteo na tumakas subalit kinuyog ito ng taumbayan na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Ayon kay Tana, kinumpirma umano ng kanyang mga kamag-anak na matagal nang plano ng suspek na sunugin ang kanilang bahay at marami na ring ulit na nagbabanta itong manununog.
Dagdag pa ni Tana na matagal na umano ang alitan ng suspek at kanyang mga kasambahay dahil sa gusto umanong angkinin ng huli ang naturang bahay.
Bago naganap ang panununog, galing umano sa inuman ang suspek kung saan pista sa naturang lugar.
Dakong alas- 4:52 ng madaling-araw nang ideklarang fire-out na umabot sa 5th alarm. Tinatayang mahigit sa P1 milyon ang naging pinsala ng sunog.