Parak tiklo sa shabu

Dahilan lamang sa hindi pagsusuot ng helmet habang naka­sakay sa motorsiklo, nadiskubre ang itinatagong shabu ng isang pulis Bicutan at kasama nito sa isang checkpoint kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang suspek na  sina PO3 Guillermo Sartin, 43, naka­­talaga sa National Capital Regional Office (NCRPO) Bicutan, Taguig City at residente ng J. Cunanan, Pag-asa, Gagalangin, Tondo at Virgilio Montero, 54, vendor, ng 516 Road 1 Gagalangin, Tondo.

Sa ulat ni  Supt. Rolando Miranda, hepe ng MPD-Station 1, dakong alas-4 ng hapon nang maaresto ang mga suspek sa kanto ng Benita at Juan Luna Sts., Tondo.

Nabatid na nagpapatrulya sina PO2’s Almario Alcantara at Gilbies Naboa sa naturang lugar nang parahin nila ang mga suspek na magkaangkas sa isang motor­siklo dahil sa hindi pagsu­suot ng helmet. Subalit laking gulat ng mga awtoridad  nang kapkapan ang dalawa  at nakuha sa kanilang pag-iingat ang isang sachet ng shabu. Dahil dito kaya’t kaagad na inaresto ang dalawa at kasa­lukuyang nakapiit sa MPD station 1 detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga ito. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments