Dala ng labis na sama ng loob at umano’y kahihiyan sa maagang pagkabuntis ng kanyang dalagitang anak, isang ama ng tahanan ang nagawang magpatiwakal sa pamamagitan ng pagtalon sa Pasig River, kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Patay na nang maiahon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard at Makati Rescue Team si Arnel Escultura, 37, ng 67-E 25th Avenue, Brgy. West Rembo, Makati City matapos na tumalon ito at magpakalunod sa ilog ka makalawa, dakong alas-12:36 ng madaling-araw.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Ronelio Manaog ng Criminal Investigation Division (CID), unang nakikipag-inuman ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan sa harap ng kanilang bahay na ilang metro lamang ang layo sa Pasig River.
Bigla na lamang umanong nagpunta sa naturang ilog ang biktima at agad tumalon na ikinagulat ng kanyang mga kainuman.
Dahil madilim ang lugar, hindi agad nasaklolohan ng kanyang mga kainuman ang biktima kung kaya’t ipinasiya nilang humingi ng tulong sa Makati Rescue Team at Philippine Coast Guard upang iligtas ito subalit bigo rin ang mga huli na maiahon ito ng buhay.
Lumilitaw naman sa pagsisiyasat ng pulisya sa isa sa kaibigan ng biktima na si Reynaldo Onias na unang napagkuwentuhan ng nasawi tungkol sa dinadalang sama ng loob sa biglaang pagbubuntis ng dalagitang anak.
Hinihinalang isa sa posibleng mabigat na dahilan kung kaya’t ipinasya nitong tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagtalon sa Pasig River. (Rose Tamayo-Tesoro)