Isang dagok sa kapabilidad ng Quezon City Police District (QCPD) ang natamo nito matapos na matakasan ng isa sa most wanted na kriminal nang harangin ng mga armadong lalaki ang isang mobile unit na magdadala sa suspek sa kulungan kahapon sa Cubao, ng naturang lungsod.
Nakilala ang nakatakas na preso na si Pedro Reodica, lider ng isang robbery gang na ang tinatarget ay mga sanglaan. Nahaharap ito sa kasong robbery homicide sa Quezon City Regional Trial Court.
Isinasailalim naman ngayon sa imbestigasyon ang tatlong nataka sang guwardiya ni Reodica na sina SPO2 Serafin Castillano, PO3 Juanito Felipes at PO3 Randy Dangaap.
Sa inisyal na ulat ng QCPD-Station 7, naganap ang insidente dakong alas-8 ng umaga sa EDSA makalagpas sa Cubao underpass. Nabatid na kagagaling lamang sa PNP Headquartes sa Camp Crame ng apat sakay ng mobile unit body number QC 1-2 kung saan isinailalim sa medical test si Reodica at dadalhin na sa Quezon City Jail nang harangin ng isang Toyota Revo at Mitsubishi Adventure na kapwa walang plaka.
Parang eksena sa pelikula nang apat sa mga suspek na nakasuot ng bonnet ang agad na lumabas at tinutukan ng mahahabang baril ang mga pulis na hindi na nakapalag. Agad na tinangay ng mga suspek at kinuha rin ang susi ng mobile unit ng mga pulis bago mabilis na tumakas.
Bigo naman ang QCPD na madakip ang mga suspek sa kabila ng inilunsad na dragnet operation ng mga ito at ipinagmamalaking police visibility.
Ipinagtanggol naman ni QCPD Station 7 chief, Supt. Procopio Lipana ang seguridad na ibinigay nila kay Reodica. Ayon dito, karaniwang dalawa lamang ang talagang bantay ng isang preso kung saan sumobra pa nga sila dahil tatlo ang itinalaga kay Reodica. Hindi naman umano nila akalain na magiging ganoon katapang ang mga suspek na isagawa ang pagtangay kay Reodica.
Sa tatlong police escort, masusing isi nasailalim sa background check si SPO2 Castillano dahil sa ulat ng posibleng pagiging kamag-anak nito sa isang kasamahan sa sindikato ni Reodica na isang dating sundalo at nakilala lamang sa apelyidong Castillano.
Nabatid naman na nadakip si Reodica nitong Abril 15 sa lalawigan ng Mindoro sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Quezon City RTC. Dati umano itong empleyado ng isang sanglaan at nang matanggal sa trabaho ay luminya na sa panghoholdap.
Nabatid rin na dati na itong nakatakas sa Maynila ilang buwan na ang nakakaraan nang maisahan ang nag-iisang pulis na bantay nito sa isang pampasaherong jeep.
Samantala, isang manhunt operation na ang ipinag-utos ni PNP chief Director General Avelino Razon Jr., para sa agarang ikadarakip ng itinakas na preso maging ang mga nagtakas dito. (Dagdag ulat ni Joy Cantos)