Siyam na lalaki ang nasagip ng mga operatiba ng Quezon City Police District matapos salakayin ang kuta ng isang “Kidney for Sale syndicate” maka raang humingi ng tulong ang isa sa mga biktima kahapon sa Quezon City.
Hiniling naman ng mga biktima na itago ang pagkakakilanlan sa kanila upang maproteksyunan ang kanilang pribadong buhay habang nakilala ang nag-iisang suspek na nadakip na si Pio Catalan, 42, at residente ng Kasiglahan Village, Rodriguez, Rizal.
Pinaghananap naman ngayon ang dalawa pang ahente ng mga biktima na nakilala sa mga alyas na “Jumar” at “Ben”.
Isa sa mga biktima ang lumapit sa kanila at humingi ng tulong matapos na maisip ang ginagawang pag-abuso sa kanila ng sindikato.
Ayon sa biktima, inalok sila ni Catalan na magbenta ng kidney kapalit ng halagang P120,000. Kahirapan umano ang nagtulak sa kanila para tanggapin ito. Dinala naman sila sa isang bahay sa Phase 1-D Lot 57 Kasiglahan Village, Rodriguez, Rizal kung saan may isang buwan silang libreng naninirahan habang naghihintay ng pasyenteng mangangailangan ng kidney.
Sinalakay naman ng mga awtoridad sa bisa ng search warrant na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court ang naturang bahay kahapon ng madaling-araw kung saan nailigtas ang siyam na lalaki na nagbebenta ng kidney.
Sinabi naman ni Catalan na ipinapasa naman niya ang mga kidney ng mga biktima sa mga ahente na sina Jumar at Ben na ibinibenta naman ang laman-loob sa halagang P200,000. Pinagpaparte-partehan naman nila ang halagang P60,000. Isang kilalang pagamutan din sa may East Avenue, Quezon City ang umano’y pinagdadalhan ng natu rang mga kidney.
Bumaligtad ang isa sa mga biktima nang mabatid na higit pa sa P500,000 ang ibinabayad ng isang pasyente para sa isang kidney kung saan maliit na halaga lamang ang napupunta sa kanila.
Nakadetine ngayon ang suspek sa QCPD Detention Center at nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 Article 14 o mas kilala sa “Anti-Trafficking in Persons Act”.