Magkapatid ginapang ng pinsan

Hinalay ng isang 17-an­yos na binatilyo ang da­la­gitang magkapatid na kan­yang pinsang buo habang nakatira sila sa bahay ng kanilang lola sa Pasay City.

Sinailalim ngayon sa pa­ngangalaga ng Dept. of Social Welfare and Deve­lop­ment ang mga bikti­mang sina Erika, 15; at Jenny, 14, (hindi mga tunay na pangalan) habang na­ka­sampa pa ang kasong paglabag sa R.A.8353 o New Anti-Rape Law laban sa pinsan nilang buo na iti­nago naman sa pangalang Rusty na nagtago na nang malamang nagreklamo na sa barangay ang kanyang mga pinsan.

Lumalabas sa pagsisi­ya­sat  ni PO2 Carmencita Mejias ng Women and Children’s Protection Cen­ter ng Pasay Police na magkakasama sa bahay ng kanilang lola sa Maria­san St., Pasay ang tatlo ma­tapos ipasya ng ma­tanda na pag-aralin ang dalawang dalagitang apo nang tumigil sa pag-aaral ang suspek.

Natuklasan lamang ang ginagawang pangha­ha­lay ni Rusty sa dalawang pinsan nang sitahin ng mga barangay tanod ang mag­kapatid kamakalawa ng gabi dahil sa palagi nilang pananatili sa labas ng bahay kahit hatinggabi.

Ikinatwiran ng dalawa sa mga sumita sa kanilang barangay tanod na mas nais pa nilang manatili sa labas ng bahay ng kanilang lola hangga’t gising ang ka­nilang pinsan sa pangam­bang muli silang gapangin at halayin ng binatilyo.

Napag-alaman na pina­kahuling insidente ng pang­hahalay ni Rusty kay Erika ay noon lamang Abril 18. (Lordeth Bonilla)

Show comments