Kusang nagsilisan na ang libu-libong iskuwater sa loob ng Camp Karingal na himpilan ng Quezon City Police District matapos na kusa nilang baklasin ang kanilang mga bahay sa higit dalawang ektaryang lupain.
Sinabi ni P/Sr. Supt. Elmo San Diego, Deputy Director for Administration, na wala nang pumalag sa mga iskuwater nang umpisahan na nilang sirain ang mga bahay at nakiusap na sila na lamang ang maggigiba upang hindi masira ang kanilang mga gamit at mapakinabangan pa ang mga kahoy at yero.
Kabilang sa mga bahay na winasak ang isang dalawang palapag na tahanan na yari sa kongkreto na pag-aari ng isang Col. Paguinto, nakatalaga rin sa QCPD. Ayon sa isang tauhan ng QCPD, nakarehistro si Paguinto bilang residente ng San Juan City.
Kasama rin sa winasak ang bahay na nagsilbing quarters ni Supt. Leslie Castillo, ang Camp Commander ng Camp Karingal.
Kinumpirma naman ni San Diego na hindi makakatanggap ng relokasyon ang mga residente dahil sa karamihan sa mga ito ay mga nagrerenta na lamang sa mga tunay na may-ari ng bahay kaya lumalabas na puro “professional squatters” na ang mga ito.
Binigyan naman ng QCPD ng tig-P3,000 ang mga naninirahang pamilya kada isang bahay, mga groceries at libreng transportasyon kung saan nila nais dalhin ang mga gamit sa loob lamang ng Metro Manila. (Danilo Garcia)