Maagang nagwakas ang buhay ng isang 14-anyos na binatilyo makaraang pumanaw ito sa loob ng isang pagamutan nang mamuo ang dugo sa kanyang ulo matapos na pukpukin ng kanyang kaibigan ng isang plastic ng yelo kahapon sa Quezon City.
Nalagutan ng hininga sa loob ng Philippine General Hospital ang biktimang nakilalang si Saint Mark Gomez, 3rd year high school student, at residente ng Nenita street, Brgy. R.P. Gulod, Novaliches, ng naturang lungsod.
Nasa kustodiya naman ngayon ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit ang 13-anyos na suspek na kinilala lamang sa pangalang Balong.
Sa ulat ng pulisya, pinabili ng yelo si Balong ng ina nito dakong alas-6 kamakalawa ng hapon. Nakasalubong naman nito habang papauwi ang biktima na nagbiro sa kanya at tinira siya ng water gun. Napikon si Balong sanhi upang paluin nito ng hawak na yelo sa ulo si Gomez at saka umuwi.
Nakaramdam naman ang biktima dakong ala-1 ng madaling-araw ng pananakit ng ulo hanggang sa magsuka na ito. Mabilis naman itong isinugod ng pamilya sa Manila Medical Center ngunit inilipat rin sa PGH dahil sa hindi nila makayanan ang P500,000 gagastusin sa operasyon.
Tuluyan namang nasawi ang biktima dakong alas-4:30 ng madaling araw matapos na hindi agad malapatan ng lunas.