13 negosyante kinasuhan sa pagtatago ng bigas

Labing-tatlong negosyante mula sa iba’t ibang siyudad sa Metro Manila ang ipinagharap ng kasong kriminal ng National Bureau of Investigation (NBI) dahilan sa pagtatago ng bigas. Base sa magkakahiwalay na rekomendasyon ng NBI kay Senior State Prosecutor Roberto Lao, hepe ng  Task Force on Anti-Rice Hoarding Task Force ng Department of Justice (DOJ) kabilang sa mga pina­sa­sailalim sa preliminary investigation sina Anthony Choi Angeles ng Binondo Maynila; Romeo Mariano ng Tangos, Bulacan; Eleonor Rodriguez ng Punturing, Valenzuela City; Meynard Guevarra ng Talon, Las Piñas City; Francisco Dio ng Baclaran, Parañaque; Arnel Lagonoy ng Commonwealth, Quezon City; Mary Ann S. Magno ng Commonwealth QC; Geonell Vin Centeno ng Rodriguez, QC, Delia Barreda ng Old Balara, QC; Sofia Guzman ng San Antonio Valley, Las Piñas City; Prestifero Prado ng Libmanan Camarines Sur; Leonides Manalo ng Las Piñas City at Lydia Supremido ng Mapandan Pangasinan.

Kabilang sa mga kasong isinampa sa mga nabanggit na negos­yante ay ang illegal price manipulation, hoarding, absence of re­quired license, unauthorized possession of NFA rice, unauthorized re-bagging/re-sacking of government rice in commercial sacks, lack of sign board and no record book.  Bukod sa mga kinakaharap na kaso, ipinag-utos din ni Justice Secretary Raul Gonzalez l na isailalim sa “watchlist” ng Bureau of Immigration (BI) ang mga negosyante upang hindi makalabas ng bansa.

Matatandaan na noong nakaraang linggo ay sunud-sunod ang ginawang pagsalakay ng mga operatiba ng NBI sa mga bodega at tindahan ng bigas ng mga respondent.  Iginiit naman ng NBI na mayroon silang sapat na batayan upang papanagutin sa kaso ang mga nasabing negosyante.

Ang hakbang ng NBI ay base na rin sa naunang kautusan ng Pangulong Arroyo na tutukan ng NBI, National Food Authority (NFA), DOJ at iba pang law enforcement agency ang mga nagta­tago ng bigas at maging ang mga negosyanteng sobrang mahal kung magpresyo sa panindang bigas. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments