Pabrika ng softdrinks nilooban ng ‘PDEA agents’

 Umaabot sa P5.4 mil­yong halaga ng sa­lapi ang natangay ng nasa 20 armadong lalaki sa pabrika ng softdrink at juice na mabilis na na­kapasok matapos na magpanggap na mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kaha­pon ng uma­ga sa Nova­liches, Quezon City.

Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District, naganap ang pan­loloob sa pabrika ng Zest-O Corporation sa Sitio Gitna, Brgy. Nagka­isang Nayon, Nova­liches dakong alas-2:30 ng umaga.           

Nasa 20 armadong lalaki sakay ng isang Mercedes Benz, Tama­raw  FX at Mitsubishi Ad­venture SUV ang duma­ting sa lugar, nagpaki­lalang mga tauhan ng PDEA at sinabing isang drug raid ang isasagawa dahil sa impormasyon na ginagamit ang pab­rika na drug laboratory.  Agad na dinisarmahan ng mga suspek ang mga guwardiya ng pab­rika.

Diretsong pumasok naman ang ilan sa loob ng pabrika habang naiwan ang ilan para magsilbing “look-out”.  Pinag­sama-sama na­man ng mga suspek ang mga naabutang em­pleyado ng pabrika sa isang lugar ng gusali bago tinangay ang dalawang kaha-de-yero na naglalaman ng apat na araw na koleksyon ng kompanya bago tumakas sakay ng dala nilang mga sasakyan.

Bigo na naman ang mga tauhan ng QCPD-Station 4 (Novaliches) na mabilis na makares­ponde sa naturang lugar at maharangan ang mga lugar na daraanan ng mga ito.

Kasalukuyan na­mang pinag-aaralan ng QCPD at ng PDEA ang CCTV camera (closed circuit television) na nasa loob ng pabrika upang ma­kilala ang mga suspek.

Sinabi naman ni PDEA Undersecretary Director General Dioni­sio Santiago Jr. na ma­aaring nagsawa na ang mga sindikato sa pag­gamit sa PNP sa kani­lang mga panloloob kaya ang kanilang ahen­sya ang napili.  Isa uma­no sa mga suspek ang nakasuot ng itim na PDEA jacket na sinasa­bing peke dahil sa dilaw ang lettering nito. (Danilo Garcia)

Show comments