Naging madugo ang ginanap na birthday party ng isang 26-anyos na mister nang ataduhin ito ng saksak hanggang sa mapatay, habang kritikal naman ang isang bisita nito makaraang salakayin ang nasabing pagtitipon ng anim na kalalakihan na pawang nairita nang hindi imbitahan ng una, kamakalawa ng hapon sa Navotas City.
Ang biktimang si Arnold Bardaje, porter at residente ng Sitio Sto. Niño, North Bay Boulevard South (NBBS) ng nabanggit na lungsod ay hindi na umabot pa ng buhay sa Tondo Medical Center (TMC) sanhi ng tinamong maraming tama ng saksak sa kanyang katawan.
Kasalukuyan namang inoobserbahan sa intensive care unit (ICU) ng nasabi ring ospital ang bisita at kapitbahay ng nasawi na si Mark Anthony Danao, 22, electrician matapos magtamo rin ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan nito.
Dalawa naman sa anim na suspect na nakilalang sina Gil Sumondong, 48, at Sixto Noveda, 35, ay agad na naaresto ng mga awtoridad, habang nagpapagamot din sa TMC sanhi ng mga tama ng saksak sa kanilang katawan.
Samantala, pinaghahanap pa ng pulisya ang apat pang suspect na sina Dante Balwarte, 33; Rodolfo Sagohan; Eddie Naval at Junior Dabanda pawang mga kapitbahay din ng napatay na biktima.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-5:30 ng hapon nang mangyari ang nasabing insidente sa harap ng isang tindahan na mata tagpuan sa boundary ng Sitio Puting-Bato at Sitio Sto. Niño, Brgy. NBBS, Navotas.
Nabatid na unang masayang ipinagdiriwang ng biktima ang kanyang kaarawan kasama ng kanyang mga kaanak, ilang bisita at mga kaibigan nang biglang lusubin ni Balwarte at mga kasamahan nito ang nasabing pagtitipon.
Dito, biglang nagkalabu-labo sa pagitan ng pangkat ng biktima at pangkat ng mga suspect, makalipas ang ilang minuto ay nakita na lamang na duguang nakahandusay sa lupa ang celebrant at si Danao.
Napag-alaman naman sa pagsisiyasat ng pulisya sa kapatid ng biktima na si Arnel Bardaje na nagalit umano ang mga suspect sa kanyang kapatid dahil hindi umano nito inimbitahan ang mga huli sa dahilang kapag nalalasing na ang mga ito ay gulo ang hanap ng mga suspect. (Rose Tamayo-Tesoro)