Agaw-buhay ang isang holdaper makaraang makipagbarilan sa isang pulis habang inihahain ang warrant of arrest dito, kamakalawa sa Pasay City.
Nilalapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital bunga ng tama ng bala sa katawan ang suspek na kinilalang si Merboy Ortiz, 19, residente ng #251 Pag-asa St., Bo. Maricaban nasabing lungsod.
Hindi naman napuruhan si PO1 John Emerson Villarojo, 37, nakatalaga sa Pasay City Police Special Weapon and Tactic/Explosive Ordnance Division.
Ayon kay PO2 Michael Manarang ng Pasay City, dakong 3:30 ng hapon ay nagpasama si Barangay Chairman Agapito Lagud, 67, ng Bgy. 185 Zone 19 kay PO1 Villarojo sa bahay ng suspek upang ihain ang warrant of arrest na inisyu ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 133 Judge Caridad Grecia Cuerdo, para sa kasong murder at frustrated homicide.
Nahaharap din ang suspek sa kasong robbery hold-up kung saan naging biktima nito ang mag-asawang Melvin at Michelle Ocampo, na naganap kamakalawa ng madaling araw sa Almazor St., Maricaban.
Nabatid na pinatuloy ng ina ng suspek na hindi nabanggit ang pangalan sa loob ng kanilang bahay ang nabanggit na alagad ng batas at barangay chairman upang ihain ng mga ito ang arrest warrant.
Bigla na lamang sumulpot ang suspek na may dalang sumpak at pinaputukan nito ang pulis na dadakip sa kanya, ngunit naging mabilis at alerto si P01 Villarojo.
Hindi ito tinamaan, dahil kaagad itong nakapagkubli at mabilis itong gumanti ng putok hanggang sa nagpalitan ng putok ang dalawa.
Tinamaan ang suspek sa tiyan at kahit may tama na ito at duguan ay nagawa pa nitong makatalon sa bubungan, ngunit dahil sa dami ng dugo ay nanghina ito kaya hindi na nakakilos, dahilan upang agaran itong isugod sa nabanggit na pagamutan.
Nakumpiska sa suspek ang isang sumpak at mga bala ng 12-gauge shotgun at sa kabila na nasa ma selang kalagayan ito ay ihihahanda na ng Pasay City Police ang panibagong kaso laban dito.