Umaabot sa 30,000 pasahero ang naapektuhan ang biyahe matapos magkaroon ng dalawang oras na malawakang blackout sa northern part ng Metro Manila na ikinaapekto ng biyahe ng dalawang linya ng Light Rail Transit (LRT) kahapon ng umaga.
Ayon kay Jinky Jorgio, tagapagsalita ng LRT, dakong alas- 9 ng umaga ng matigil ang operasyon ng LRT Line 1 at 2 matapos na mag-trip ang power supply sa Sta. Mesa, Manila dahil sa isang aksidente sa konstraksyon ng New Golden City Builders dahilan upang awtomatikong mag- shut down ang apat na power plants ng National Transmission Corporation (TRANSCO).
Dahil sa nasabing insidente ayon kay Jorgio, umaabot sa P500,000 ang nalugi sa pagtigil ng operasyon ng LRT line 1 na bumibiyahe mula Santolan, Pasig hanggang Recto at Line 2 na bumibiyaheng Baclaran hanggang Monumento.
Dagdag pa ni Jorgio, 20,000 sa mga pasahero na naapektuhan ay mula sa Line 1 habang ang 10,000 pasahero ay mula sa Line 2. Naibalik ang operasyon ng LRT dakong alas-10:06 na ng umaga habang ang Line 2 naman ay inumpisahan ang normal operation bandang alas-10:45 na ng umaga.
Sa estimate na ginawa ng pamunuan ng LRT, sinabi ni Jorgio na sa average na P14.20 kada pasahero ng dalawa nilang tren umaabot sa P556,203 ang kanilang lugi sa pagtigil ng kanilang operasyon subalit ayon dito na wala silang balak pang pabayaran ang kanilang nalugi sa contractor ng ginagawang construction dahil hindi naman umano ito sinasadya. (Edwin Balasa at Lordeth Bonilla)